Aatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na maglabas ng isang kautusang magpapanagot sa ilang opisyal ng barangay na mapapatunayang nagpabaya sa kanilang tungkulin kaugnay sa pagpapatupad ng health protocols.
Sa Talk to the People ni Pangulong Duterte kagabi, sinabi nito na mapipilitan siyang panagutin ang mga opisyal ng barangay kung patuloy ang katigasan ng ulo ng mga Pilipino.
Maituturing kasi aniyang krimen ang paglabag sa mass gathering na bigong matutukan ng pamahalaan dahil kulang sa kilos at pagdidisiplina.
Sa ngayon, nakatakdang maglabas ng isang Memorandum Circular ang DILG para matiyak na sumusunod ang lahat sa health protocols.
Pagtitiyak ni DILG Secretary Eduardo Año, makikipagtulungan dito ang ahensiya sa Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP) at sa iba pang ahensiya ng gobyerno upang makontrol ang hawaan ng sakit sa bansa.
Matatandaang sa ngayon, sumampa na sa 20 ng bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19 sa Gubat sa Ciudad Resort sa Caloocan City, habang umabot naman sa 55 ang tinamaan ng virus sa viral pool party sa Barangay Nagkaisang Nayon sa Quezon City.