Pagpapanagot sa mga nasa likod ng suhulan sa pekeng People’s Initiative, iginiit ng isang senador

Pinatitiyak ni Senator Christopher “Bong” Go na may mananagot sa suhulan at hindi tamang paggamit ng pondo ng taumbayan kapalit ng lagda para sa pekeng People’s Initiative.

Sa ginanap na pagdinig ng Senate Electoral Reforms and People’s Participation sa Davao City, kinundena ni Go ang lahat ng uri ng panunuhol at hinimok ang komite na irekomenda ang pagpapanagot lalo na kung may pamimilit sa pagkuha ng mga lagda sa mga tao.

Nais ni Go na managot ang mga sangkot sa suhulan sa People’s Initiative na hindi naman lubos na napag-aralan at naipaunawa sa mga tao.


Aniya, naghihirap na nga ang mga kababayan ay sinasamantala pa ng ilan.

Hinikayat ng senador ang publiko na tutulan ang lahat ng uri at anyo ng nagpapanggap na People’s Initiative dahil kung mawawalan ng boses ang mga senador na halal ng taumbayan ay mistulang nawalan na rin ng boses ang mga mamamayan sa buong bansa.

Iginiit ni Go na hindi ito ang tamang panahon para rebisahin ang Konstitusyon sa pamamagitan ng People’s Initiative kung sa simula pa lang ay kwestyunable na kung paano nakuha ang mga lagda.

Facebook Comments