Pagpapanagot sa mga opisyal na nasa likod ng delivery ng mga bagon ng LRT-1 na may ‘water leak’, iginiit ng isang senador

Umapela si Senator Grace Poe na agad papanagutin ang mga opisyal ng gobyerno na mapapatunayang nasa likod ng delivery ng mga depektibong bagon ng LRT-1 dahil sa ‘water leak’ o napapasukan ng tubig.

Matatandaang sa naging pagdinig ng Kamara ay inamin ni Transportation Usec. Cesar Chavez na 80 sa 120 mga bagong bagon na binili ng pamahalaan noong 2017 ay hindi magamit dahil natatagasan ng tubig.

Binili ang mga depektibong coaches sa isang Spanish company at dahil sa restrictions sa pandemya ay hindi ito nasuri nang dalhin sa bansa.


Iginiit ni Poe na gawin ang lahat ng paraan para maparusahan ang mga opisyal na pumayag na i-deliver ang mga bagon na hindi man lamang dumaan sa masusing inspeksyon.

Punto ni Poe, pera ng taumbayan ang pinag-uusapan dito at hindi dapat na hayaan lang na mabulok ang mga bagon habang milyun-milyong mga commuter ang araw-araw na nahihirapan sa kanilang byahe.

Umaasa ang senadora na chairman din ng Public Services Committee na tutuparin ng Department of Transportation (DOTr) ang kanilang pangako na mareremedyuhan ng supplier ang problema para magamit sa lalong madaling panahon ang coaches.

Facebook Comments