Pagpapanagot sa mga sangkot sa flood control project scandal, hindi lang dapat matigil sa mga Discaya

Iginiit ni Senate President Tito Sotto III na hindi lang dapat matigil ang pagsasampa ng kaso sa contractor na si Sarah Discaya kaugnay ng maanomalyang flood control projects.

Ayon kay Sotto, dapat na managot ang lahat ng mga nag-walanghiya sa taumbayan, lalo na ang mga malalaki ang naging taga sa pondo at ang mga malalaking tao na nasa likod ng katiwalian.

Naniniwala ang Senate President na hindi naman magiging malaki ang cut o taga sa proyekto kung hindi malaking tao ang nasa likod nito.

Nauunawaan naman ni Sotto na marami na sa mga kababayan ang nagmamadali na may taga-gobyerno ang makulong dahil sa eskandalong ito, lalo’t naunang ipinangako na December 15 ay mayroong makukulong dahil sa flood control.

Gayunman, nauunawaan niya kung bakit natatagalan ang pagsasampa ng kaso at pagpapakulong sa mga sangkot sa anomalya.

Ito aniya ay dahil nag-iingat lamang din ang mga imbestigador sa pag-validate ng mga impormasyon upang hindi mauwi sa pagkaka-dismiss ng mga kaso.

Facebook Comments