Umapela si Senator Risa Hontiveros sa pamahalaan na papanagutin sa pagkalat ng fake news ang mga social media network sa bansa.
Ang apela ng senadora ay kaugnay na rin sa pinakahuling Pulse Asia survey kung saan 86% ng mga Pilipino ang naniniwalang problema sa bansa ang fake news.
Nanawagan si Hontiveros sa gobyerno na tularan ang hakbang ng European Union kung saan inaatasan nila sa kanilang bansa ang mga kompanya ng social media na magsumite ng report sa kung papaano kumakalat ang mga maling impormasyon sa kanilang mga platform at ang epekto rin nito sa bansa.
Ipinunto ni Hontiveros na lumalaki ngayon ang mga kabataan sa kasinungalingan na dulot na rin ng impluwensya ng social media kaya dapat na maibalik ang kumpyansa rito ng publiko.
Hiniling din ng senadora ang agad na pagsasabatas sa pagtatakda ng skills-based training at media literacy program upang matulungan ang publiko na malaman ang fake news.
Para naman magawa ito ay mangangailangan aniya ng suporta at pakikipagtulungan ng national at local government, mga paaralan, NGOs at iba pang training institutes.