Pagpapanatili ng kalinisan sa Luneta, panawagan ng National Parks Development Committee

Hinihimok ng National Parks Development Committee (NPDC) ang publiko na tumulong na panatilihin malinis ang buong paligid ng Luneta o Rizal Park.

Ito’y kasunod ng kaliwa’t kanang aktbidad na isinasagawa kaugnay sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.

Nabatid na ilang mga programa at serbisyo ng pamahalaan ang ikinakasa sa Luneta partikular sa Burnham Green at sa Dancing Fountain.


Ayon kay NPDC Executive Director Cecille Lorenzana-Romero, noong pandemya ay nakaugalian na ng mga namamasyal na nililinis at dinadala ang kanilang kalat.

Pero ngayon, kasabay ng pagdami muli ng mga bumibisita ay tila nakakalimutan ng ilan ang halaga ng pagpapanatili ng kalinisan.

Kaya naman pakiusap niya sa mga namamasyal na tumulong sa pagpapanatili ng kalinisan lalo na’t hanggang bukas o Araw ng Kalayaan ay mas marami ang inaasahan na bibisita sa Luneta.

Batay sa datos ng NPDC, nasa 20,000 ang namamasyal sa Luneta kada araw na umaabot ng 30,000 tuwing Sabado at Linggo gayundin tuwing holiday.

Facebook Comments