Magkakaroon ng mahahalagang reporma sa ekonomiya ang gobyerno para mapanatili ang gumagandang kondisyon ng labor market.
Ayon kay National Economic and Development Authority (NEDA) Sec. Arsenio Balisacan, gagamitin ang digital technology para mas lalong palakasin ang employability ng mga manggagawa.
Ang pahayag ay ginawa ni Balisacan matapos ang ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), na bumaba ang unemployment rate sa Pilipinas sa 4.5 percent nitong April 2023 mula 5.7 percent sa parehong buwan noong nakaraang taon.
Ibig sabihin, nabawasan ng higit kalahating milyon ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho.
Sinabi ni Balisacan na para masiguro ang ganitong trend, isusulong ng Marcos administration ang pagpapatupad ng economic liberalization reforms at iba pang kinakailangang lehislasyon.
Binigyang diin ng opisyal ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga ahensya, training institutions, technology providers, at iba pang stakeholders para matugunan ang skills mismatches, at magabayan ang mga Pilipino sa in-demand skills.