Pagpapanatili sa VFA, sinuportahan ng mga senador

Para kay Senate President Tito Sotto III, mahusay na hakbang ang pasya ni Pangulong Rodrigo Duterte na huwag nang ituloy ang pagpapabasura sa Visiting Forces Agreement o VFA.

Sabi naman ni Foreign Relations Committee Chairman Senator Koko Pimentel, magkakaroon ng bagong tratado na kailangang ratipikahan ng Senado kung hihilingin ng Pilipinas na i-upgrade o dagdagan ang benepisyo ng bansa sa VFA.

Pero ayon kay Pimentel, dahil wala namang pahayag na magkakaroon ng bagong VFA ay inaasahang iiral kung ano ang nilalaman nito ngayon.


Ayon kay Senator Francis Tolentino, sumasalamin ito sa malakas na alyansa ng Pilipinas at Amerika na nakaangkla sa pagkakaunawaan ukol sa global security at national sovereignty.

Nataon pa aniya ito sa ika-75 anibersaryo ng diplomatic relations ng Pilipinas at Estados Unidos.

Gayunpaman, naniniwala si Tolentino na mainam na magkaroon muli ng negosasyon at humingi ang Pilipinas ng upgrade o dagdag sa benepisyo mula sa VFA bilang konsiderasyon sa kasalukuyang geopolitical tension sa Indo-Pacific.

Tiwala naman si Committee on National Defense and Security Chairman Senator Panfilo “Ping” Lacson na ang hakbang ni Pangulong Duterte ay para sa interes ng bansa at mamamayang Pilipino.

Naniniwala si Lacson na makakabuti para sa seguridad ng bansa ang pananatili ng VFA at mahalaga ito lalo’t mas agresibo at hindi mapigilan ang panghihimasok sa ating Exclusive Economic Zone (EEZ) sa West Philippine Sea habang patuloy rin ang banta ng terorismo.

Paliwanag pa ni Lacson, kailangan nating tanggapin ang katotohanan na hindi pa natin kayang mag-isa kaya mapapakinabangan natin ang bilateral agreement sa US, Australia at ibang bansa na may mas malakas na pwersa ng militar.

Facebook Comments