Kinumpirma ni Departmenr of the Interior and Local Government (DILG) Usec. Epimaco Densing na magkakaroon muli ng mga paghihigpit ngayong nakapasok na sa bansa ang Delta variant na sinasabing mas mabilis makahawa.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi nito na magkakaroon ng pagpupulong sa Huwebes ang Inter-Agency Task Force (IATF) at doon pag-uusapan ang mga preventive measure upang hindi tuluyang kumalat ang Delta variant sa mga komunidad.
Ilan sa mga posibleng ibalik ay ang mga checkpoint, border control, bubble policy at posible ring irekonsidera ang pagpapalabas sa mga bata edad 5 taong gulang pataas.
Kasunod nito, mahigpit ang tagubilin nila sa mga local chief executives na magpatupad ng granular lockdown kung kinakailangan.
Pinulong na rin nila ang mga Local Government Unit (LGU) upang mas lalo pang palakasin ang healthcare system nang sa ganon, kumalat man ang kinatatakutang Delta variant ay hindi ma-ooverwhelm ang mga pagamutan.