Maituturing umanong isang malaking kahihiyan sa bansa kung papapasukin ng Pilipinas ang International Criminal Court (ICC) para mag-imbestiga sa mga krimeng may kinalaman sa ‘war on drugs’ ng Duterte administration.
Kaugnay na rin ito sa resolusyong inihain ng mga kongresista na humihimok sa pamahalaan na makipagtulungan sa imbestigasyon ng ICC.
Giit ni Marcos, gumagana naman ang judicial system ng bansa patunay na rito ang ginawang pagpapalaya kay dating Senator Leila de Lima kaya hindi na natin kailangan ang ICC.
Pagdidiin pa ng senadora, hindi dapat pumayag ang bansa na makialam ang ICC at unahing isipin na kapag ginawa ito ay mistulang isinusuko na rin natin ang ating soberenya.
Hindi man tinukoy ni Sen. Marcos kung sinong mga kongresista, pero sinabi nitong kada linggo na lamang ay palaging may pasabog ang mga nasa likod ng resolusyong ito.
Ipinunto pa ng senadora na paulit-ulit nang sinasabi ni Pangulong Bongbong Marcos ang kanyang posisyon na hindi magpapasakop ang mga korte ng Pilipinas sa ICC at ang bansa ay isang sovereign nation na may sariling sistema ng hustisya.
Sa huli ay iginiit ni Marcos na dapat manindigan tayo gaya ng paninindigan ng presidente sa ating bansa.