Pagpaparada ng mga quarantine violators sa Silay, Negros Occidental, binatikos ni Sen. Drilon

Photo Courtesy: PNP Silay, PTV

Kinastigo ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang local police sa Silay, Negros Occidental makaraang iparada na parang mga “zombie” ang mga lumabag sa health protocols.

Giit ni Drilon, sa naturang hakbang ay wala namang napala ang pulisya kundi paigtingin ang kawalan ng tiwala at respeto ng mamamayan sa mga otoridad.

Ayon kay Drilon, ang naturang aksyon ay nagpapakita ng pag-abuso, pagmamalabis at kawalan ng respeto ng kapulisan sa gitna ng pandemya.


Paalala ni Drilon, hindi dahilan ang pandemya para labagin ang Konstitusyon lalo na ang karapatang-pantao at diginidad ng sinuman.

Payo ni Drilon, tama na ang pagpapasiklab ng mga pulis sa telebisyon at kasuhan na lang ang mga lumalabag sa health protocols alinsunod sa mga umiiral na batas.

Binanggit ni Drilon na ang mga ganitong pag-abuso ng mga otoridad ang dahilan kaya inalis na sa Bayanihan to Recover as One Act ang probisyon na nagtatakda ng criminal liabilities ng mga quarantine violators na unang nakasama sa Bayanihan to Heal as One Act.

Facebook Comments