Nagkakasa na ng mga hakbang ang Department of Trade and Industry (DTI) upang maalalayan ang mga mamimili sa gitna ng nagtataasang presyo ng mga bilihin.
Ayon kay DTI Usec. Ruth Castelo, pinararami nila ang mga Diskwento Caravan kung saan makabibili ng mas murang mga produkto ang mga konsyumer.
Hangga’t maaari rin aniya ay kinokontrol ng ahensya ang pagtaas ng presyo ng mga basic necessities at prime commodities (BNPC) na nasa kanilang listahan.
Aminado naman si Castelo na mabigat na hamon sa kanila ang pagbalanse sa interes ng mga konsyumer at manufacturer pagdating sa usapin ng price adjustment.
“Hindi naman talaga gusto ng DTI na naglalabas ng price adjustment di ba kasi ayaw namin yun for the consumers, so hirap na hirap kami. It’s really a challenge between the interest of the businesses at saka nung konsyumers. Kasi ayaw naman nating magsara ang mga negosyo o hindi na nila i-produce yung produkto na yun kasi consumers din ang mawawalan ng trabaho,” paliwanag ni Castelo.
Kabilang naman sa mga intervention ng DTI para sa mga Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) na apektado ng inflation ay ang pag-aalok sa kanila ng loan upang maisalba ang kanilang negosyo.
“Actually, priority naman yan ng DTI. So, nakabantay talaga kami sa kanila, yung negosyo centers natin ang tumutulong,” saad ng opisyal.
“We have available loans sa SB Corporation, small business corporations yun na ready naman pong magbigay ng pautang kung kakailanganin talaga nila. Konti lang po ang requirements non, it’s actually purely online, para naman makaagapay, makatulong ang DTI kahit papano para hindi magsara yung negosyo,” dagdag niya.