Pagpaparehistro ng mga kabataan para magpabakuna kontra COVID-19, sinimulan na rin sa Muntinlupa at Makati City

Sinimulan na ng lokal na pamahalaan ng Muntinlupa at Makati ang preparasyon sa pagpaparehistro ng mga kabataan na may edad 12 hanggang 17-anyos para sa pagbabakuna kontra COVID-19.

Sa abiso ni Mayor Jaime Fresnedi sa mga nais magpabakuna sa nabanggit na edad, maaari silang magparehistro sa pamamagitan Muntinlupa City COVID-19 Vaccination Program (MunCoVac).

Ang MunCoVac team ang siyang kasalukuyan namamahala sa pagbabakuna ng mga residente at essential workers ng lungsod kaya’t mas mapapabilis ang sistema kung sapat naman ang suplay ng bakuna.


Sa Makati City ay sinimulan na din ng lokal na pamahalaan ang pagpaparehistro ng may edad 12 hanggang 17 para sa kanilang pagbabakuna laban sa COVID-19.

Sa Facebook page post ng lokal na pamahalaan, maaari nang magparehistro ang mga naturang kabataan sa kanilang website na proudmakatizen.com.

Bukod dito, gagawa rin ng master list ang Makati City – Local Government Unit (LGU) para sa nasabing vaccination program ng mga kabataan na pawang mga residente ng kanilang lungsod.

Ang mga may nais magpabakuna ay maaaring i-click ang category A4: Makati Resident, Non-Voter for teenagers kung saan aabisuhan ang mga ito na maghintay na lamang ng update tungkol sa pagpaparehistro sa opisyal na Facebook page ng lungsod.

Facebook Comments