Hindi mandatory ang pagpaparehistro para sa National Identification System.
Ito ang nilinaw ni Philippine Statistics Authority (PSA) Deputy National Statistician at Assistant Secretary Rosalinda Bautista kasabay ng pagsisimula ng registration ng National I.D. sa 32 probinsya sa buong bansa ngayong araw.
Sa panayam ng RMN Manila, sinabi ng opisyal na hindi sapilitan at hindi rin papatawan ng multa ang sinumang tatangging magparehistro.
Gayunman, kakailanganin aniya ang National I.D. sa lahat ng transaksyon sa gobyerno.
“Lahat ng iyong transaction at pakikipag-usap sa gobyerno ay hihingian ka ng I.D. Eventually, this situation will really force you na kumuha ka kasi wala naman po itong bayad,” sabi ni Bautista.
Dagdag pa ni Bautista, lubos na makikinabang sa ikinakasang registration para sa National I.D. ang mahihirap na Pilipino lalo na ang mga nais magbukas ng bank account.
“Ang isa po sa mga objective ng National I.D. ay para sa financial inclusion. Ang gusto po ng ating gobyerno ay ‘yung mga family na nasa low-income na hindi makapag-open ng bank account dahil sa wala silang mga I.D ay ngayon makakapag-open na sila ng bank account,” paliwanag pa ng opisyal.
Target ng PSA na makumpleto ang registration at pag-iisyu ng National I.D. sa higit 92 milyong Pilipino sa Hunyo 2022.