Pagpaparusa sa mga nasa likod ng pagpaslang sa mga journalist dapat bilisan ayon sa NUJP

Nanawagan ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) sa Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) na bilisan ang pagresolba sa mga kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag.

Ayon kay Jonathan de Santos, chairperson ng NUJP, bukod sa pagresolba sa kaso, dapat ding bilisan ang prosekusyon sa mga nasa likod nito.

Nabatid na mula 1986 hanggang 2021, nasa 68 na ang naparusahan dahil sa pagpatay sa mga journalist.


Pero paglilinaw ni De Santos, karamihan dito ay mga gunman lamang habang hindi talaga napaparusahan ang mga totoong mastermind.

Sa ngayon, wala pang malinaw na lead ang pulisya sa motibo ng pagpatay sa radio commentator na si Percy Lapid.

Naniniwala ang NUJP na may kinalaman ito sa kanyang propesyon.

Kasabay nito, nanawagan si De Santos sa mga mamamahayag na bantayan ang mga kaso ng pagpatay sa mga kapwa nila journalist para matiyak na makakamit ang hustisya.

Facebook Comments