Mariing kinondena ni Department of National Defense (DND) Officer-in-Charge, Senior Undersecretary Jose Faustino Jr., ang pagpapasabog ng landmine ng New People’s Army (NPA) sa Mapanas, Northern Samar kahapon na ikinasugat ng pitong sundalo.
Nabatid na ang pitong sundalo ng 20th Infantry Battalion ng Philippine Army ay nagsasagawa ng immersion at clearing operations nang pasabugan sila ng apat na landmine na itinanim ng NPA sa mga puno ng niyog sa daanan ng mga residente sa lugar.
Ayon kay Faustino, ang insidente ay malinaw na paglabag sa International Humanitarian Law partikular sa probisyon ng Ottawa Convention na nagbabawal sa paggamit ng mga landmine.
Tiniyak naman ni Faustino na sa ilalim ng pangangasiwa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ay patuloy na pag-iibayuhin ang pagsisikap ng National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na wakasan ang paghahasik ng terorismo ng mga komunista.
Nagpahayag ng determinasyon si Faustino na isulong ang “whole of nation approach” upang tugunan ang mga pangunahing ugat ng insurhensya.