Kinondena ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang nangyaring pagpapasabog sa isang military camp sa Indanan, Sulu noong Biyernes kung saan walo ang nasawi kabilang ang tatlong sundalo.
Tinawag na kaduwagan ni AFP Chief of Staff Gen. Benjamin Madrigal Jr. ang nasabing pag-atake.
Binisita rin ni Madrigal ang First Brigade Combat Team (1BCT) at pinarangalan ang mga sugatang sundalo sa Camp Teodulfo Bautista Station Hospital sa Jolo.
Sinamahan siya ni Western Mindanao Commander Major General Cirilito Sobejana na noong kauupo lang sa posisyon sa parehong araw kung kailan naganap ang pagpapasabog.
Sa ngayon, hihintayin daw muna nila ang resulta ng imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) bago sila magsagawa ng follow-up operations.
Naka-full alert status na ang buong pwersa ng militar sa Western Mindanao.
Habang Biyernes ng gabi, nauna nang isinailalim sa full alert ang buong pwersa ng National Capital Region Police Office.