Pagpapasakay sa evacuation buses para sa mga Pilipino sa Sudan, sinimulan na ng gobyerno

Sinimulan na ang paglilikas sa mga Pilipinong nasa Sudan.

Sa katunayan, sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary for Migrant Workers Eduardo de Vega sa Laging Handa public briefing na may mga batch na ng mga Pilipinong nakakasakay sa evacuation buses patungong Egypt.

Sinabi ni De Vega na may nauna nang tatlong babaeng nagtatrabaho sa Saudi Arilines ang dinala ng Saudi government sa Port Sudan.


Na-trap ang tatlong Pilipinong ito sa Khartoum habang sakay ng Saudi Airlines.

Sinabi ni De Vega, mula sa Port Sudan ay sinundo ang mga ito ng isang military vessel galing Saudi na nagdala sa kanila sa King Faisal Naval Station sa Jeddah kung saan naman sila sinalubong ng consul doon.

Malaking tulong aniya ito sa gobyerno kaya nakikiusap sila sa gobyerno ng Saudi Arabia na sana ay maisama na rin nila kung may iba pang kababayan na pwedeng madala sa Port Sudan para mayroon pang repatriation ships o kung saan man sila pwedeng maisakay pabalik dito sa Pilipinas.

Bukas naman aniya rito ang gobyerno ng Saudi.

Sa ngayon, sinabi ni De Vega na mayroon pang ibang mga Pilipino rin na kusang loob na dinadala ng kanilang employers palabas ng Sudan, sa pamamagitan ng pagkuha ng reservation buses.

Facebook Comments