Ipinagtanggol ng ilang senador ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipasara ang lotto at iba pang gaming outlets ng Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO dahil sa talamak umanong katiwalian dito.
Ang nabanggit na hakbang ng Pangulo ay pinuri ni Senator Joel Villanueva sa dahilan na ang mga pasugalan ay nagtutulak sa mamamayan na huwag nang magsipag at sa halip ay umasa na lang na sila ay mananalo.
Panawagan naman ni Senator Lito Lapid sa publiko, sa halip na batikusin ang Pangulo ay makabubuting bigyan ito ng pagkakataon na umaksyon para ayusin ang nakikita niyang korapsyon sa PCSO at mapanagot ang mga taong nasa likod nito.
Katwiran pa ni Lapid, si Pangulong Duterte ang may pinakamalawak na intelligence network kung kaya at dapat nating paniwalaan ang nakikita nitong malaking anomalya sa pagpapatakbo ng mga laro ng PCSO tulad ng small town lottery (STL) at lotto.
Giit naman ni Senator Francis Tolentino, naaayon sa Article 2, Section 27 ng konstitusyon ang aksyon ng Pangulo para resolbahin ang katiwalian sa PCSO.
Sabi naman ni Senate President Tito Sotto, franchises lang ng PCSO ang pinasara ng Pangulo na maaring buksan at mag-operate muli sa oras na malinis na ang korapsyon sa PCSO.