Dapat magsilbing babala at paalala sa iba pang local government units (LGUs) ang pagpapasara sa “Gubat sa Ciudad” Resort sa Caloocan City dahil sa paglabag sa pagpapatupad ng minimum public health standards at pagbabawal sa mass gatherings ngayong may pandemya pa.
Nabatid na nag-viral ang mga litrato kung saan maraming tao ang nagtungo sa resort sa gitna ng Mother’s Day celebration.
Ayon kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, agad namang umaksyon si Caloocal City Mayor Oscar Malapitan sa sitwasyon at handa silang magsampa ng kaso laban sa mga barangay officials at mga lumabag.
Hindi na aniya pwedeng gawing alibi na “nalusutan kami” gayung maraming sasakyan nakaparada malapit sa resort.
Sinabi naman ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar na nakikipagtulungan sila sa Caloocan LGU para sa gagawing imbestigasyon at paghahain ng kaso.
Magkakaroon din ng contact tracing para sa posibleng COVID-19 transmission.
Kaugnay nito, pinayuhan ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang mga resort-goers na mag-quarantine.