Sang -ayon si Philippine National Police (PNP) Chief General Camilo Cascolan na isara ang mga pribado at pampublikong sementeryo lalo na sa mga lugar na may mataas na kaso ng COVID-19 sa darating na Undas.
Ito ay matapos na magkasundo ang Metro Manila Council (MMC) na isara ang kanilang mga sementeryo mula October 31 hanggang November 3, 2020.
Ayon kay Cascolan, dapat lamang na isara ang mga sementeryo sa mga lugar na maraming kaso ng COVID-19 para hindi na ito dagsain ng mga dadalaw sa puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Malaki kasi ang posibilidad na magkahawa-hawa sa virus.
Samantala, ipinauubaya naman ni Cascolan sa mga Regional Directors ang kanilang mga susunod na hakbang para sa darating na Undas lalo na sa mga lugar na magbubukas ng sementeryo na mahigpit pa rin na ipatupad ang mga quarantine protocols.