Ikinakabahala ng ilang kongresista na mangyari din sa ibang lehitimong organisasyon at media outlet ang pagpapasarang ginawa ng pamahalaan sa websites ng mga progresibong grupo at independent media.
Ayon kay ACT-Teachers Partylist Rep. France Castro, dahil sa gawain ng National Security Council (NSC) ay hindi malabong pati ang mga grupong kritiko sa gobyerno ay mapasara rin ang websites.
Aniya pa, walang makapipigil na gamitin ng NSC ang parehong modus para sunod na puntiryahin naman sa censorship ang ibang media outlet tulad ng ABS-CBN, Rappler at Inquirer.
Babala ng kongresista, maaaring gamitin ang red-tagging para maiutos ang pagpapasara sa mga websites.
Tahasang sinabi rin ng mambabatas na ito ay direktang pag-atake sa karapatan ng mga Pilipino na malayang makapagsalita at makapagpahayag ng damdamin.