Inilatag ngayon ni Albay Rep. Joey Salceda ang mga paraan na makakatulong para pasiglagin ang job growth sa bansa.
Kasunod na rin ito ng pagtaas ng unemployment rate sa Setyembre na umakyat sa 8.9% mula sa 8.1% nitong Agosto.
Ilan sa mga ito ay ang pag-iisyu ng pamahalaan ng direktiba sa mga ahensya ng gobyerno partikular ang mga tanggapan na may mababang utilization rate para kumpletuhin ang kanilang procurement plans bago pa man abutan ng election ban partikular na sa pag-hire ng mga dagdag na tauhan sa public administration at sa defense o military ng bansa.
Ipinakokonsidera rin ng mambabatas ang pagpapabakuna sa mga empleyado at tenants sa mga lugar na lubhang lantad sa COVID-19 tulad ng mga palengke at iba pang pampublikong lugar upang maiwasan ang mahigpit na lockdown at pagkalat ng sakit.
Pinakukumpleto rin ng kongresista ang 2021 infrastructure program sa pamamagitan ng pag-iisyu ng direktiba sa mga district engineering offices.
Pinatutulungan din sa gobyerno ang lumalagong sektor ng BPO sa pamamagitan ng pagatas sa local public employment and services offices at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na bumalangkas ng kasunduan at makipag-ugnayan sa nasabing sektor.
Naniniwala ang kongresista na maisasakatuparan ang lahat ng mga ito sa pamamagitan ng executive action at makakatulong para mabigyan ng trabaho ang mga Pilipino gayundin ang mapababa ang unemployment sa bansa.