Manila, Philippines – Magkakaroon na ng regular na biyahe ng barko mula Palawan patungong Malaysia simula ngayong buwan.
Ang pagbubukas ng nasabing ruta ay inanunsiyo sa pakikipagpulong ng delegasyon ng Palawan sa mga opisyal ng Kudat, Kota-Kinabalu at Sabah Malaysia kamakailan.
Ang kompanyang Archipelago Philippine Ferries Corporation (APFC) na nakabase sa Maynila at siyang nagmamay-ari ng sasakyang pandagat na Fast Cat ang magseserbisyo sa nasabing ruta na magsisimula sa Buliluyan Port, Bataraza, Palawan patungong Kudat, Malaysia.
Ang Fast Cat Ferry ay may kakayahang magsakay ng 275 na pasahero, 35 sasakyan at 12 sasakyang panghakot ng mabibigat na kargamento at ang biyahe nito ay magtatagal ng anim na oras.
Ang ferry ay aalis sa Buliluyan Port sa umaga at darating sa Kudat Port dakong tanghali at muling bibiyahe pabalik sa Palawan sa dakong hapon.
Mayroon na rin umanong Customs, Immigration, Quarantine and Security (CIQS) centers ang dalawang pantalan na magpoproseso ng mga dokumento ng mga biyahero.
Inaasahan na ang bagong ruta na ito ng barko ay lalo pang magpapasigla sa industriya ng turista sa pagitan ng Palawan at Kota Kinabalu.