Manila, Philippines – Muling ipinagpaliban ng Commission on Appointments ang pagdedesisyon sa kumpirmasyon ni Health Secretary Paulyn Ubial dahil isasalang uli ito sa pagdinig ng CA Committee on Health para pagbigyan ang mga tanong ng ilan pang Senador at Kongresista.
Sa CA hearing ngayong araw ay tahasang sinabi ni Congressman Harry Roque na hindi dapat makumpirma si Ubial dahil sinungaling ito, incompetent, at corrupt.
Ipinaalala ni Roque ang announcement ni Ubial noon na Zika Free Pilipinas pero hindi naman pala.
Dagdag pa aniya dito ang pagka-delay sa implementation dengue vaccine program ng DOH dahil mas pinaburan ni Ubial ang mas mahal na pneumonia vaccine dahil may kita siya dito.
Si Senate Majority Leader Tito Sotto III naman ginisa si Ubial dahil sa madalas na biyahe sa abroad kasama pa ang kanyang pamilya at yung ibang biyahe ay sagot ng non-governmental organization na interest mag-distribute ng mga gamot at contraceptives sa bansa.
Sa impormasyon ni Sotto, ay naka 15 foreign travels si Ubial simula noong August 2016 na inamin naman ni Ubial kung saan tatlo daw dito ay direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Paliwanag pa ni Ubial, hindi totoong sangkaterba ang biyahe kundi kung ano lang ang pinapahintulutan ng batas, limitado din ang mga kasama, sa budget hotels sila tumutuloy, at personal niyang ginagastusan ang kasama niyang miyembro ng pamilya.
Pero hindi kuntento si Sotto sa sagot ni Ubial kaya pinagsusumite niya ito ng liquidation ng DOH sa kanyang mga gastos.
Inamin din ni Ubial ang kumalat sa social media na kinuha niyang consultant ang kanyang anak pero ito ay dalawang buwan lang at piso lang ang sweldo.
Tinanggi din ni Ubial ang mga akusasyon ng iba pang oppositor niya at umapela sa CA na tingnan ang maayos niyang track record.
Giit ni Ubial ang mga reklamo ng oppositors laban sa kanya ay tuldok lang sa gabundok niyang accomplishments.
Binanggit din ni Ubial na hindi na bibili ang DOH ng condoms para sa 2017 at 2018 dahil mayroon pa silang stocks na naglalahalaga ng 10-milyong piso.
Niliwanag din ni Ubial na wala silang planong mamigay ng condoms sa mga paaralan at nakatutok sila ngayon sa pagpapalakas ng health education kung paano naipapas ang HIV virus at aids.