Pagpapasya sa kung anong quarantine status ang ipatutupad sa NCR sa Pebrero, ipinauubaya na sa IATF

Walang inirekomendang quarantine classification status sa National Capital Region (NCR) ang Metro Manila Council (MMC) para sa susunod na buwan.

Kasunod ito ng isinagawang pulong ng MMC kagabi kung saan isa sa ikinonsidera sa pagpapasya ay ang COVID-19 UK variant.

Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, ipinauubaya na ng mga alkalde sa Inter-Agency Task Force (IATF) ang desisyon kung mananatili sa General Community Quarantine (GCQ) o ibababa na sa Modified GCQ ang quarantine restriction sa NCR.


Pero pagtitiyak ng MMC, handa sila mapa-GCQ man o MGCQ ang pairaling community restriction sa Pebrero.

Samantala, handa na ang mga lungsod sa Metro Manila para sa rollout ng COVID-19 vaccines, isang buwan bago ang inaasahang pagdating sa bansa ng unang batch ng mga bakuna.

Ayon kay Garcia, tiniyak din sa kanya ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr. ang pagdating ng mga bakuna bago ang katapusan ng Pebrero.

Gayunman, hindi pa naisasapinal kung gaano ito kadami habang hindi rin binanggit kung ano ang brands ng COVID-19 vaccines.

Facebook Comments