Iminungkahi ni Albay Rep. Joey Salceda na samantalahin ng Inter-Agency Task Force (IATF) at ng Department of Health (DOH) ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) para itaas at palakasin ang hospital capacity sa mga lugar na may matataas na kaso ng COVID-19.
Kasabay ito ng babala ni Salceda na kapag umabot sa 150,000 ang COVID-19 cases at hindi dinagdagan ang critical care capacity sa mga pagamutan ay posibleng umabot sa “danger level” na 70% ang occupancy rate sa mga Intensive Care Units (ICUs).
Nakatanggap naman ang kongresista ng tugon sa mga kaukulang ahensya na kumikilos na sila para sa pagpapalawig sa kapasidad ng mga pagamutan.
Inirekomenda din ni Salceda na pag-aralan ng DOH na palakasin ang kanilang telemedicine hotline.
Kasunod naman ito ng mabilis na pagkapuno ng mga ward beds kumpara sa mga ICU beds sa mga ospital sa National Capital Region (NCR) dahil sa kawalan ng sistema para salain ang mga pasyenteng hindi na kailangang manatili o magpa-admit sa pagamutan.
Sa ganitong paraan ay maiiwasan ang pagdagsa ng mga hindi pa kumpirmadong COVID-19 cases sa mga ospital at maiiwas ang paglala ng kaso ng mga mild cases.
Sa kasalukuyan aniya ang DOH COVID-19 emergency hotlines ay ginagamit lamang para sa diagnosis at pagbibigay lamang ng impormasyon.