Inilatag ng National Economic and Development Authority o NEDA ang mga agarang aksyon upang masolusyunan ang tinatawag na food inflation sa bansa.
Ito ang naging laman ng ulat ni NEDA Undersecretary Rosemarie Edillon sa naging pagpupulong ng Inter-Agency Committee on Inflation and Market Outlook o IAC-IMO kamakailan.
Sa kaniyang ulat, sinabi ni Edillon na kailangang pataasin pa ang rice buffer stock upang makasabay ito sa pangangailangan ng publiko lalo’t pinaasahang eepekto ang El Niño Phenomenon sa bansa sa buwan ng Mayo at Hunyo.
Maliban dito, isinusulong din ng NEDA ang pagpapatupad ng biosecurity, hog repopulation na nakapailalim naman sa Integrated National Swine Production Initiatives for Recovery and Expansion program o INSPIRE.
Itinutulak din ng NEDA ang improvement at expansion ng Kadiwa program na direktang nag-uugnay sa mga magsasaka at mamimili na siyang nagreresulta sa murang bilihin.
Kailangan din ayon sa kagawaran na mapabilis ang pagbibigay ng subsidiya sa mga magsasaka at mangingisda upang maihanda agad sila sa posibleng epekto ng El Niño sa kanilang kabuhayan.