Iginiit ng Department of Transportation (DOTr) na panahon na para magkaroon ng hiwalay na ahensya na magpapatakbo sa Communication, Navigation and Surveillance (CNS) ng air traffic management systems ng bansa.
Inihayag ito ni Transportation Undersecretary Roberto Cecilio Lim matapos ang inspeksyon ng Governance Commission for GOCC (GCG) sa air traffic management center ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa Pasay City.
Sinabi ni Lim na ang CNS ay magiging hiwalay na tanggapan sa CAAP tulad ng sistema ngayon sa Indonesia.
Layon aniya nito na matiyak ang kaligtasan ng air space ng bansa at maprotektahan ang karera ng air traffic controllers at ng iba pang mga eksperto.
Aminado ang DOTr at CAAP na madaming Pinoy air traffic controllers at technicians ang napipirata ng ibang bansa dahil sa mas mataas ang alok na sahod sa mga ito.
Kabilang din sa mga pinag-aaralan ng DOTr ay ang pagsasapribado o kaya ay semi-privatization ng CAAP.
Ayon sa opisyal, nagpapatuloy pa ang pag-aaral ukol sa mga nasabing rekomendasyon at modelo.