Tiniyak ng Nationalist People’s Coalition (NPC) na daraan sa tamang proseso ang panawagang patalsikin bilang miyembro ng partido si Bamban Mayor Alice Guo matapos na masangkot sa ni-raid na POGO hub sa Tarlac.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Quezon Province 1st District Rep. Mark Enverga at NPC Spokesperson Mark Enverga na may proseso silang dapat sundin sa pag-alis kay Guo sa partido.
Ayon kay Enverga, daraan mula sa konsultasyon mula sa mga miyembro ng NPC sa Tarlac sa pamamagitan ni Gov. Susan Yap ang usapin upang makabuo ng rekomendasyon.
Ang rekomendasyon aniya na ito ang magiging batayan ng NPC sa magiging desisyon kay Guo.
Una nang nilinaw ng partido na hindi miyembro ng NPC si Guo ng tumakbo ito sa Bamban at naging miyembro lang nang manalo ito sa pagka-alkalde noong 2022 election.