Tinuligsa ni dating House Speaker at ngayon ay Davao del Norte 1st District Rep. Pantaleon Alvarez ang pagpapatalsik kay dating Negros Oriental 3rd District Rep Cong. Arnolfo Teves Jr., bilang miyembro ng Kamara na sinang-ayunan ng 265 mga kongresista.
Sa kanyang liham kay House Majority Leader Mannix Dalipe, ay hiniling ni Alvarez na ilagay sa record at journal ng Kamara ang kanyang “No” vote sa rekomendasyon ng House Committee on Ethics and Privileges na ilaglag na sa Kamara si Teves.
Giit ni Alvarez, ang ‘absence without leave ni Teves gayundin ang pagkuha ng political asylum sa Timor-Leste at kanyang mga ipino-post sa social media ay hindi sapat na dahilan para alisin ito bilang inihalal na kinatawan ng mga taga-Negros Oriental 3rd District.
Punto pa ni Alvarez, maraming kongresista ang may mas mabigat pa na kasalanan pero hindi naman tinanggal sa House of Representatives.
Diin pa ni Alvarez, dapat hayaan ang korte at ang pag-usad ng tamang proseso kaugnay sa pagkakasangkot ni Teves sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
Paliwanag ni Alvarez, kung mapapatunayang guilty sa naturang krimen si Teves ay saka lang ito dapat alisin sa Kamara.