Pinanindigan ng ilang kongresista at liderato ng political parties, ang pagpapatalsik kay dating Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo Teves Jr. bilang miyembro ng Mababang Kapulungan.
Diin ni Party-list Coalition Foundation Inc. President at Ako Bicol Party-list Rep. Elizaldy Co, ang makasaysayang pagpapatalsik kay Teves ay pagpapairal ng highest ethical standards ng Kongreso at pagtiyak na bawat mambabatas ay may pananagutan.
Dagdag pa ni Co, pagtupad din ito sa pangako ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na pangalagaan ang reputasyon, karangalan at diginidad ng House of Representatives.
Inihayag naman ni National Unity Party President at Camarines Sur Rep. Luis Raymund LRay Villafuerte, Jr. na suportado ng kanilang mga miyembro ang hakbang laban kay Teves dahil malinaw sa mga ebidensya na nakagawa ito ng gross violations sa kanyang Oath of Office at Disorderly Behavior bilang miyembro ng 19th Congress.
Sinabi naman ni PDP-Laban Deputy Secretary-General for Mindanao Johnny Pimentel, na ang desisyong patalsikin si Teves ay pag-preserba sa integridad, tiwala at respeto sa Kamara.
Maging ang kapartido ni Teves na si Nationalist People’s Coalition Secretary-General at Rizal Representative Jack Duavit, ay kumbinsidong patas ang naging proseso ng explusion kay Teves.