Hinimok ni Senator Raffy Tulfo ang Department of Finance (DOF) na pagaralan muna ang planong pagpapataw ng buwis sa mga junk foods at matatamis na inumin.
Sa pagdinig ng Senado sa 2024 budget ng DOF at mga attached agencies nito, nabusisi ni Tulfo kung may intensyon din ba ang ahensya na patawan ng buwis pati ang mga chichirya.
Ayon kay Finance Secretary Benjamin Diokno, ang tawag nila rito ay salty at sugary products pero ito ay pinagaaralan pa ng ahensya at wala pa naman silang pormal na panukala para rito.
Sinabi naman ni Tulfo na maaaring hindi maka-relate ang mga opisyal dito dahil maaaring steak at masasarap na pagkain ang inuulam ng mga ito subalit marami sa mga mahihirap ay inuulam kung minsan ang chichirya.
Giit ng senador, kapag ito ay pinatungan pa ng excise tax tiyak na ipapasa rin ng mga manufacturers sa publiko ang dagdag na singil dito.
Unang-una aniyang maaapektuhan nito ang mga mahihirap kaya hiling ni Tulfo na pagaralan muna itong mabuti ng DOF.
Aniya pa, posibleng marami pang iba na pwedeng buwisan ng ahensya pero pagdating sana sa mga mahihirap ay magkaroon muna ng konsiderasyon dito ang DOF.