Pagpapataw ng buwis sa POGO, hindi makakatugon sa mga krimen na dulot nito

Ipinunto ni Senator Risa Hontiveros na hindi daan ang pagpapataw ng buwis sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGO para matuldukan ang isang katutak na krimeng dala nito sa ating bansa.

Sinabi ito ni Hontiveros makaraang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act No.11590 na nagpapataw ng 5% gaming tax sa mga POGO at 25% na withholding tax sa mga dayuhan nilang empleyado.

Pero kahit may batas na, duda si Hontiveros na susunod dito ang POGO.


Tinukoy ni Hontiveros ang report ng Commission on Audit (COA) na merong P1.36 bilyong utang ang labinlimang POGO sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) bukod sa mga kinakasangkutan nitong iba’t ibang krimen at iligal na aktibidad.

Giit ni Hontiveros, paalisin na ng tuluyan ang mga POGO sa ating bansa.

Diin ni Hontiveros, mas dapat pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang pagpapabalik ng kabuhayan o trabaho sa ating mamamayan at hindi ang pagsusuporta sa negosyo ng mga POGO.

Facebook Comments