Pagpapataw ng buwis sa travel allowance ng mga magsisilbi sa halalan, ipinaaalis

Ipinatitigil ni Assistant Minority Leader France Castro sa Commission on Elections (COMELEC) at sa Bureau of Internal Revenue (BIR) ang pagpapataw ng buwis sa travel allowance ng mga magsisilbi ngayong 2022 elections.

Giit ni Castro, walang basehan ang paniningil ng buwis ng BIR at COMELEC sa travel allowance para sa mga magsisilbing Board of Election Inspectors (BEIs) gayundin sa mga support staff sa regular precincts, emergency accessible poll precincts, isolation precincts, at mga medical personnel.

Aniya, mismong ang COMELEC na ang nagsabing P2,000 ang nasabing allowance kung saan tig P1,000 sa Final Testing and Sealing at sa mismong araw ng halalan.


Bukod dito, hindi rin “income” na maituturing ang halaga dahil wala namang “economic gain” dito na magpapataas ng net worth kaya hindi ito dapat pinapatawan ng tax.

Punto pa ng kongresista, hindi na nga sapat ang election service benefits ngayong nahaharap pa sa pandemya ang mga magsisilbi sa eleksyon ay babawasan pa ito sa pamamagitan ng pagbubuwis.

Paalala ng mambabatas sa BIR at COMELEC na napakabigat ng sakripisyo ng mga poll service volunteers kung saan mayorya ay mga guro kaya dapat na ipatigil ang pagpapataw ng buwis at ibalik ang mga tinapyas sa benepisyo.

Facebook Comments