Itinutulak nila Ako Bicol Partylist Reps. Alfredo Garbin Jr. at Elizaldy Co ang pagpapataw ng excise tax sa mga fireworks at firecrackers.
Sa House Bill 1517 na iniakda ng mga mambabatas, ipinapanukala ang pagpapataw ng 20% na excise tax sa mga paputok sa halip na tuluyang ipagbawal.
Naniniwala ang mga kongresista na kung papatawan ng dagdag na buwis ang mga paputok ay magdadalawang isip na ang publiko ng bumili dahil uunahin na ng mga ito ang kanilang mga pangunahing pangangailangan.
Umaasa sina Garbin at Co na mababawasan ang firecracker related injuries lalo na tuwing bagong taon.
Mas mainam aniya ito kaysa sa tuluyang pagbabawal sa mga paputok dahil maaaring sa black market naman maglipana ang mga paputok at pailaw.
Sakaling maging batas ay ilaan ang makukuhang buwis sa DOH at Philhealth para sa emergency at post-ER recovery fund ng mga nabiktima ng paputok o kaya ay sa kanilang firecracker safety information campaign.