Pagpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga magsisinungaling sa mga pagdinig ng Kongreso, isusulong ng isang senador

Maghahain si Senator Robin Padilla ng panukalang batas na magpapataw ng mas mabigat na parusa para sa mga resource person na hindi magsasabi ng katotohanan o magsisinungaling sa mga pagdinig ng Kongreso.

Naisip ni Padilla ang mas mahigpit na parusa sa mga magsisinungaling sa hearing ng Kongreso makaraang ma-cite in contempt ang ilang mga pulis sa gitna ng pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs dahil sa hindi pagsasabi ng katotohanan.

Para kay Padilla, hindi siya kuntento sa kasalukuyang batas tungkol sa perjury o pagsisinungaling “under oath” tulad na lamang ng ginagawa ng ilang mga pulis sa pagdinig ng komite ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa.


Nais ng senador ng mas mabigat na parusa lalo na sa mga kawani ng mga law enforcement agencies.

Kabilang sa mga itutulak ng senador kapag ang isang tagapagpatupad ng batas ay napatunayang nagsinungaling sa pagdini ay ang mga sumusunod:

-agad na pagpapatanggal sa serbisyo
-sisingilin sa ginastos ng taumbayan para sa kanilang pag-aaral at training
-bukod sa criminal case ay papatawan na rin ng civil case
-at kapag pina-contempt ng Senado, diretso na sa city jail at hindi sa loob ng Senado.

Facebook Comments