Pagpapataw ng taas-singil sa aviation fuel surcharge, pinapasuspinde ng isang kongresista

Iginiit ni Cagayan de Oro City 2nd District Representative Rufus Rodriguez sa Civil Aeronautics Board (CAB) na suspendehin ang pagpapataw ng taas singil sa aviation fuel surcharge para maiwasan ang pagtaas ng pamasahe sa eroplano na planong ipatupad simula sa September 1.

Umaapela rin si Rodriguez sa Philippine Airlines, Cebu Pacific, AirAsia, at iba pang carriers na huwag nang mangolekta ng surcharge lalo at optional lang naman ito sa kanilang panig.

Pinuna ni Rodriguez, mas inaalala ng CAB ang tubo o kikitain ng mga kompanya ng eroplano.


Dismayado si Rodriguez na hindi pa rin inaaksyunan ng CAB ang mga reklamo ng mga pasahero ukol sa kapalpakan sa serbisyo ng mga airlines.

Pangunahing halimbawa ni Rodriguez ang hindi makatwirang flight cancellations, overbooking na dahilan kung bakit biglang aalisin ang ibang pasahero, delays, magulong baggage policies, at kawalan ng customer service availability.

Babala pa ni Ropdriguez, malaki ang magiging epekto ng airfare hike sa turismo na bumabangon pa lang mula sa pandemya.

Facebook Comments