Pagpapataw ng taripa sa bigas, pinapasuspinde ng isang kongresista

Iminungkahi ni Appropriations Committee Senior Vice Chairperson at Marikina Representative Stella Quimbo na suspindehin muna ang pagpapataw ng taripa sa imported na bigas upang pumantay ito sa presyo ng lokal na bigas at maging abot kaya ng mamamayan.

Sa pagdinig ng kamara sa proposed 2024 budget ng Department of Agriculture (DA) ay ipinaliwanag ni Quimbo na kapag inalis ang taripa sa inaangkat na bigas ay halos papantay ito sa presyo ng local rice bago ang storage at maketing cost.

Tinukoy ni Quimbo na ang landed cost ng imported na bigas ngayon ay nasa P20 pesos na tumataas sa ₱30 hanggang ₱40 kapag pinatawan ng taripa.


Tiwala si Quimbo na hindi ito magdudulot ng problema dahil may nalalabi pang halos P10 billion na pondo para sa Rice Competitive Enhancement Fund (RCEF) mula 2022 hanggang 2023 na magagamit pa rin para sa tulungan ang mga magsasaka alinsunod sa Rice Tariffication Law.

Samantala, sa budget hearing ay ibinabala naman ni Quimbo na posibleng samantalahin at bumuo ng kartel ang mga pribadong rice importers habang manipis ang suplay ng bigas sa bansa.

Giit ni Quimbo, dapat itong bantayang mabuti upang hindi matulad ang bigas sa nangyaring cartel ng sibuyas kung saan inipit ang suplay at pinalabas na may kakapusan kaya namanipula na itaas ng sobra sobra ang presyo.

Facebook Comments