
Pinagtibay ng Korte Suprema ang pagpapatawag ng Senado kay dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo kaugnay sa imbestigasyon sa iligal na operasyon ng POGO sa kanilang bayan.
Sa desisyon ng Supreme Court En Banc na isinulat ni Associate Justice Japar Dimaampao, ibinasura ng korte ang petisyon ni Guo na kuwestiyunin ang subpoena at ipatigil ang pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality.
Giit ng Korte Suprema, malinaw na may kapangyarihan ang Senado na magsagawa ng imbestigasyon “in aid of legislation” o para sa paggawa ng batas, basta’t sumusunod ito sa sariling panuntunan at nirerespeto ang karapatan ng mga taong iniimbestigahan.
Sinabi pa ng korte na ang mga tanong tungkol sa pagkatao ni Guo, kanyang pamilya, negosyo, at mga ari-arian ay may kinalaman at mahalaga sa imbestigasyon.
Pinaalala rin ng SC na bilang dating halal na opisyal, limitado ang kanyang privacy lalo na’t may interes ng publiko ang mga dokumentong gaya ng birth certificate, statement of assets, liabilities, and net worth (SALN), at business records.
Kasama rin sa pinagtibay ng korte ang contempt order laban kay Guo matapos hindi siya dumalo sa ilang pagdinig at tumangging sumagot kahit sa mga simpleng tanong.
Nilinaw ng SC na ang layunin ng mga imbestigasyon ng Senado ay hindi para hatulan o magparusa ng tao, kundi para makagawa ng mas epektibong batas at maprotektahan ang interes ng publiko.
Nag-ugat ito sa petisyon na inihain noon ni Guo na kumukuwestiyon sa subpoena at humihiling sa SC na pagbawalan ang komite na ipatawag siya bilang resource person.









