
Nilinaw ni Senate President Tito Sotto III na may kapangyarihan ang Senate Blue Ribbon Committee na magpatawag ng pagdinig kaugnay ng mga alegasyon ng katiwalian sa flood control projects kahit pa nasa congressional recess o bakasyon ang Kongreso.
Kaugnay ito ng pahayag ni Blue Ribbon Committee Chairman Ping Lacson na ipagpapatuloy sa Enero 19 ang pagdinig hinggil sa mga sinasabing ghost flood control projects.
Paliwanag ni Sotto, may poder ang mga senador na namumuno sa mga komite na magsagawa ng pagdinig kahit sa gitna ng congressional break.
Dagdag pa niya, may motu proprio powers ang Blue Ribbon Committee upang magpatawag ng pagdinig o magsagawa ng imbestigasyon.
Sa Lunes, inaasahang tatalakayin sa pagpapatuloy ng pagdinig ng mataas na kapulungan ang sinasabing pagbawi sa testimonya ng ilang dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), na naunang naglahad ng umano’y pangongomisyon ng ilang senador at politiko sa mga maanomalyang flood control projects.
Pinahahharap muli ng Senado sina dating DPWH Secretary Manuel Bonoan, dating DepEd Undersecretary Trygive Olaivar, at dating Cong. Zaldy Co. Sakaling hindi sila sumipot, maaari silang ipaaresto ng Senado.










