Welcome para sa binuong small committee ng Kamara ang pagpapatawag ng special session ni Pangulong Rodrigo Duterte sa October 13 hanggang 16 at ang pagsertipika nito bilang urgent sa 2021 General Appropriations Bill.
Ayon kay Appropriations Vice Chairman at Albay Rep. Joey Salceda, bilang miyembro ng partido ng Pangulo ay tinatanggap niya ang hudyat nito na malinaw na kautusan para madaliin na ang pagpapatibay sa pambansang pondo.
Sinabi pa ni Salceda na miyembro rin ng small committee, ang hakbang ng Pangulo ay senyales din na walang pinapalagpas ang Presidente na pagkakataon para maaprubahan ng tama at walang delay ang 2021 budget.
Hindi rin aniya kakayanin na mabinbin ang pag-apruba sa pambansang pondo lalo pa’t nilalaman nito ang stimulus na pantugon laban sa COVID-19.
Binibigyan din aniya ng panahon ang Kamara na aprubahan ang 2021 budget sa ikatlo at huling pagbasa nang sa gayon ay maisumite na ito sa Senado.
Batay naman sa proseso ng budget, hangga’t hindi naipapasa ng Kamara sa ikatlong pagbasa ang pambansang pondo ay hindi naman ito maaaring talakayin sa plenaryo ng Senado.