Pagpapatawag sa self-confessed Chinese spy na si She Zhijiang, malabo at posible pang maharap sa isyu ng legal na aspeto

Iginiit ni Senate President Francis Escudero na magiging isyu ang legal na aspeto tungkol sa mga ibinunyag ng Chinese spy na si She Zhijiang na katulad din niyang spy si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo o si Guo Hua Ping.

Ayon kay Escudero, hindi niya masabi kung dapat paniwalaan ang mga isiniwalat ni Zhijiang pero asahan na magiging problema ito sa ilalim ng ating batas.

Aniya, sa batas ng bansa, ang sinumang testigo na may pahayag laban sa isang akusado ay dapat mabigyan ng pagkakataon na makwestyon ng akusado ang nagaakusa para mapatunayan din kung totoo o hindi ang mga sinasabi nito.


Subalit, malabo aniyang ma-cross examine si Zhijiang dahil ito ay wala naman sa bansa at ito ay nasa kustodiya ng Thailand.

Hindi rin aniya saklaw ng Senado ang pagpapatawag ng testigo sa ibang bansa at kailangan din itong dumaan sa counterpart ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Thailand kaya asahan na magiging masalimuot ang proseso bukod pa sa kailangan din itong dumaan sa gobyerno ng Thailand at hilingin din sa kanilang korte.

Ipinauubaya naman ni Escudero sa prosekusyon at sa mga abogado kung ano ang dapat ikaso kay Guo mula sa ibinulgar ni Zhijiang.

Kung sakali aniya, maaaring gamitin laban kay Guo ang probisyon ng revised penal code kaugnay ng pagiging espiya pabor sa isang bansa.

Facebook Comments