Cauayan City, Isabela- Mahigpit ng ipagbabawal ang pagpapataya, pagtanggap at pangongolekta ng mga tauhan ng Small Town Lottery sa ilang lugar ng Isabela.
Ito ay batay sa Ordinance no. 2021-04-01 na inaprubahan ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan at may lagda ni Governor Rodito Albano III.
Nakasaad sa ordinansa na ang sinumang mapapatunayang lumabag ay mahaharap sa kaukulang parusa gaya ng 1st offense (P5,000 fines); 2nd offense pagkulong ng tatlumpung (30) araw at huli ang pagmumulta ng P5,000 at posibleng pagkakulong depende sa magiging desisyon ng proper court.
Hakbang ito ng pamahalaan upang maiwasan ang posibleng pagkalat ng COVID-19 at magkaroon ng kaalaman ang publiko sa masamang dulot ng face-to-face at house-to-house bet collection.
Kinakailangan namang magsumite ng kasulatan ang mga nangangasiwa sa Lottery sa tanggapan ng Punong-bayan para tukuyin ang ilalaang Official Betting Station.
Matatandaang ipinag-utos ni Governor Albano ang pagpapaigting sa pagsunod sa health protocol para maihanda ang sarili sa posibleng pagpasok ng bagong UK variant matapos maitala ang dami ng namatay dahil umano sa COVID-19 kabilang ang isang STL table manager.