Inirekomenda ni House Committee on Metro Manila Development Vice Chairman Precious Hipolito-Castelo sa pamahalaan ang agarang pagpapatayo ng isang quarantine facility sa bansa.
Ayon kay Hipolito-Castelo, ang pagtatayo ng quarantine facility ay napapanahon na at makakatulong para sa mabilis na pagresponde sa mga krisis o communicable diseases tulad ng 2019-NCOV ARD.
Sa ngayon aniya ay halatang hirap ang pamahalaan kung saan dapat i-quarantine ang mga pinaghihinalaang may virus matapos na umalma ang mga residente malapit sa Drug Rehab Center sa loob ng Fort Magsaysay sa Nueva Ecija at mga residente ng Capas, Tarlac na malapit sa Athletes’ Village sa New Clark City.
Kung mayroon ng quarantine facility ang pamahalaan ay hindi na mahihirapan pang maghanap ang mga otoridad ng lugar kung saan pansamantalang mananatili ang mga patients under investigation.
Dapat rin aniya na ito ay equipped o may sapat na kakayanan, pasilidad at tauhan upang tugunan ang mga susunod pang health situation na kahalintulad ng nCoV ARD.
Punto pa ng lady solon, ang mga lugar na tinarget na gawing quarantine facility ay walang sapat na safety features na kinakailangan para sa isang quarantine area.