Pagpapatayo ng kauna-unahang ospital para sa mga OFW, sisimulan na

Sisimulan na sa mga susunod na araw ang konstruksyon ng kauna-unahang ospital para sa Overseas Filipino Workers (OFWs).

Kasunod na din ito ng pagkakaselyo sa isang kasunduan sa pagitan nina Labor Secretary Silvestre Bello III, mga opisyal ng Department of Health (DOH), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), at ng Bloomberry Cultural Foundation Inc. (BCFI).

Sinabi ni Bello, na itatayo ang ospital bilang pagkilala sa kontribusyon ng mga OFWs na itinuturing na buhay na mga bayani.


Itatayo aniya sa dalawang ektaryang lupain sa Barangay Sindalan, San Fernando City, ang ospital na donasyon naman ng pamahalaang panlalawigan ng Pampanga.

Ang 200 milyong piso naman na gagamitin sa pagpapatayo ng ospital ay magmumula sa donasyon ng PAGCOR, habang 400 milyong piso ay mula sa nasabing foundation.

Matatapos ang OFW hospital sa 2021.

Facebook Comments