Manila, Philippiens – Isusulong ni Senate President Tito Sotto III na ilipat na sa national government mula sa Local Government Units o LGUs ang responsibilidad sa pagtatayo at pamamahala sa mga Bahay Pag-asa.
Ayon kay Sotto, magiging kaakibat ito ng isinusulong niyang ibaba sa 12-anyos ang kasalukuyang 15-anyos na minimum age of criminal responsibility.
Sabi ni Sotto, sa gagawin nilang batas ay aatasan ang Department of Interior and Local Government (DILG) gayundin ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Health (DOH) na magpatayo ng mga Bahay Pag-asa.
Ang nabanggit na mga ahensya din ang maglalatag ng intervention programs para sa rehabilitasyon at reporma ng mga menor de edad na gumawa ng krimen.
Ang hakbang ni Sotto ay makaraang lumabas sa pagdinig ng Senado na bigo ang mga LGUs sa pagpapatayo at pagmantine ng Bahay Pag-asa kung saan ipapasok ang mga kabataang gumawa ng krimen o itinuturing na children in conflict with the law.
Sa hearing ay sinabi ni Juvenile Justice and Welfare Council Executive Director Atty. Tricia Clare Oco na kalunus-lunos ang sitwasyon sa mga nakatayong Bahay Pag-asa, dahil kulang ang budget sa pagkain, walang tulugan, kulang ang staff, walang nakalatag na intervention program kaya naiinip ang mga bata at tumatakas na lang habang yung iba ay sinasaktan pa ang sarili.