PAGPAPATAYO NG NUCLEAR POWER PLANT SA LABRADOR, TINUTULAN NG ILANG GRUPO AT KASAPI NG SIMBAHANG KATOLIKO

Idinaan sa pamamagitan ng campaign signing ang pagtutol ng ilang grupo at kasapi ng Simbahang Katoliko sa planong pagpapatayo ng nuclear power plant sa bayan ng Labrador, Pangasinan, kung saan pumirma ang mga residenteng hindi sang-ayon sa nasabing proyekto.

Nagsagawa rin ng banal na misa sa isang simbahan sa lugar na pinangunahan ni Bishop Napoleon Sipalay Jr., OP DD, Bishop ng Diocese of Alaminos City.

Sinundan ito ng isang press conference kasama ang iba’t ibang grupong sumusuporta sa pagtutol sa nuclear power plant, kung saan tinalakay ang mga posibleng epekto ng proyekto sa kalusugan ng tao, kaligtasan ng komunidad, at kalikasan.

Nagpahayag din ng saloobin ang Parish Youth Ministry Coordinator ng St. Isidore the Farmer Parish at Diocesan Youth Ministry Commission Head for Social Action na si Jericho Lontoc na iginiit ang kahalagahan ng pag boses ng kabataan sa mga isyung may direktang epekto sa komunidad at sa kanilang kinabukasan.

Samantala, bilang bahagi ng patuloy na kampanya, nagsagawa ng motorcade rally ang mga tumututol sa proyekto sa bayan ng Labrador, na nilahukan ng ilang diocese ng simbahang katoliko, kabataan, at mga residente.

Facebook Comments