Sisikapin ng Senado na maihabol sa panukalang year 2023 national budget ang pondo para sa pagpapasimula ng konstruksyon ng super maximum security cell na magiging bukod na bilangguan para sa mga convicted sa karumal-dumal na krimen.
Sinabi ito ni Senate President Juan Miguel Zubiri kasunod ng pagsasampa ng kaso laban sa ilang opisyal ng Bureau of Corrections (BuCoR) kaugnay ng pagpaslang sa broadcaster na si Percy Lapid o Percival Mabasa.
Para sa senador, kailangan na ng moderno at isolated na bilangguan upang masawata ang patuloy na paggawa ng krimen sa labas ng bilangguan tulad sa nangyayari hanggang ngayon sa New Bilibid Prison (NBP).
Ayon kay Zubiri, kinausap na niya si Senator Sonny Angara na chairman ng Senate committee on finance para hanapan ito ng budget at suportado aniya ito ng nakakaraming senador.
Sinabi pa ni Zubiri na nakausap na rin niya si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na may minamataan nang lugar para sa super maximum security cell o super max na katulad ng bilangguan sa Estados Unidos.
Mangangailangan din ng malaking pondo ng pagpapagawa ng super max na may 15,000 na silid.