
Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ng agarang pagpapatibay sa Code of Conduct sa South China Sea kasabay ng pagbubukas ng 46th ASEAN Summit sa Kuala Lumpur, Malaysia ngayong araw.
Sa kaniyang talumpati sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) plenary session, inilatag ng pangulo ang nakababahalang banta sa mga komunidad, kalakalan, at pag-unlad ng mga hamong geopolitical, biglaang trade barriers, at climate change.
Kaya naman dapat aniyang magkaisa ang mga bansa at palakasin ang kaniya-kaniyang institusyon para malampasan ang mga posibleng hamon sa hinaharap.
Sa harap din ng ASEAN leaders, iginiit ni Pangulong Marcos ang posisyon ng Pilipinas na dapat nang bilisan ang pagpapatibay ng isang “legally binding” na Code of Conduct sa South China Sea para maprotektahan ang maritime rights sa rehiyon, isulong ang katatagan, at maiwasan ang anumang gulo sa karagatan.
Tiniyak din ng pangulo na patuloy na makikipagtulungan ang Pilipinas sa ASEAN para manatiling ligtas, mapayapa, at matatag, namamahala nang naaayon sa rule of law, maunlad, at makabago ang rehiyon.









